
Buwan ng Wikang Pambansa 2019, Matagumpay na Nailunsad
Ipinamalas ng mga mag-aaral mula Kinder, Elementary hanggang sa Junior High School sa Bohol Child Head Start ang kanilang husay at talento sa Kulminasyon ng Buwan ng Wikang Pambansa na may pangkalahatang tema na “Wikang Katutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino” noong ika-tatlumpu ng Agosto sa bulwagan ng Jose at Lina Ong.
Ang Bohol Child Head Start ay nakiisa sa adhikaing lalong palawakin ang pag-gamit ng sariling wika at pagyamanin ang kultura ng lahing Pilipino. May iba’t ibang palatuntunan at patimpalak na ginawa tulad ng madulang pagkukuwento, pag-gawa ng poster, interpretatibong pag-basa, solong pag-awit at pagpili ng Lakan at Lakambini. Ibinida ng lahat ng mga mag-aaral ang kanilang magagara at makukulay na Katutubong Kasuotan.

Sinimulan ang selebrasyon ng panalangin at pag-kanta ng Pambansang Awit at Awit sa Bohol. Ang punong guro na si Ginang Maria Elena M. Balane ay nagtalakay sa pangkalahatang programa sa buong araw. Sinabi ni Ginang Balane na mahalaga na matuto tayo ng ibang wika pero higit na mas mahalaga kung alam natin ang ating sariling wika. Sinundan ito ng iba’t ibang patimpalak at ang mga nanguna ay ang mga sumusunod:
Debbie Nicolette M. Licayan Madulang Pagkukuwento
Samaya El Jamal Pag-gawa ng Poster
EJ Niña A. Cempron Solong Pag-awit
Ika-Tatlong Baitang Shine Interpretatibong Pag-basa
Earl Euro Lamdagan Lakan
Princess Laureen Cagas Lakambini
Bawat patimpalak ay pinaghandaan at naging matindi ang tunggalian para masungkit ang unang parangal. Ang mga mag-aaral na nanalo at sumali ay nakatanggap ng sertipiko at tropeo.
Madulang Pagkukuwento Solong Pag-awit Interpretatibong Pag-basa Pag-gawa ng Poster Lakan at Lakambini Mga tradisyonal na kakanin sa Pilipinas tulad ng camote, bibingka, at suman malagkit.
Nagkaroon ng Kainan sa Nayon tampok ang mga tradisyonal na meryenda at matatamis na pagkain. Natapos ang palatuntunan ng masaya ang bawat isa lalo na ang mga bata. Napaliwanag sa kanila ang kahalagahan ng Wikang Filipino at mga wikang rehiyonal. Sabi ni Binibining Analou C. Delusa, Student Affairs Officer, “Sana ipagpatuloy nating pahalagahan at pangalagaan ang ating wikang katutubo na minana pa natin sa ating mga ninuno.”